[Sorbetes.]

Jy Guerrero
1 min readNov 22, 2020

Buo sa aking paningin
ang nagyeyelong palamuti
Sa tuktok ng himagas
na nauwi, isang minatamis
Kadalasang sa huli

Bawat pagsalok
may dalang gaan
Sa pakiramdam at hanging
Kumikiliti sa mga labi
Tumitigil ang aking pag-iisip

Hindi ko na mababawi
ang anghang ng lamig
Sa bibig, ang putla ng aking
Balat sa mainit na paligid
Ang pandama’y nagiging manhid

Nais ko na lamang
Mag-init ng tsaa
at isalin ito sa tasa
Ibalin ang aking oras ng
may pag-aalala, lubayan ang hipit

Hahayaan ko ang usok
nito’y luwagan ang paghinga
Sasabayan ang panatag na sapa
Tatanggapin ang pang-uunawa
at pagtitiwala

Ito ang mga bagay
na ‘di hinahanda sa simula
Para sa kabusugang
walang paghahanda

Ang payapang init, ang magaan na lamig
dadamhin
Hanggang sa makaidlip
sa iyong bisig

--

--