[Mabagal.]

Jy Guerrero
1 min readNov 22, 2020

Mula sa ilalim ng lupa
ang imbakan ng karbong
naghahanda sa daluyong
ng init at lamig na aapaw
para sa mga sisisid

Nag-aalab, kumikidlap
ang ubod nito’y may sariling liwanag
ang usok, may namumuong
alapaap at natatanging langit

Sabi nila, itong sining
ay humahalina sa
kawangis nito, sining

Isang balong puno’t
Umaagos ng paglingap at panaginip
Ang lihim na bumabalot sa masisidhing tingin.

Isang balong mapaganinag
Sa antigong teologo at karunungan
Ang himbing ng mga yapos, mga bagay na hindi nasasabi

Isang balong umiiral sa sarili
Mga realidad na binhi ng salita at hugis
Ang kapalarang dumadala sa diwang nahahamig

Sabi nila, ito’y mapangahas at
Umaalpas sa kulay ng lipunan

Dito, ang paghinga’y nawawaglit
Walang hagpis at patid, sa kawangis
Susuungin ko ang lawig, ang lalim.

--

--